TUGUEGARAO CITY-Bumaba ang bilang ng mga Persons Under Investigation (PUIs) ng coronavirus disease (COVID-19) sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ayon kay Dr. Glen Mathew Baggao, Medical Chief ng CVMC, mula sa 46 na PUIs na naitala nitong nakaraang linggo ay mayroon na lamang 16 kung saan hinihintay na ang resulta ng kanilang laboratory test.

Nagsagawa na rin aniya ng re-test kay PH275,ang unang nagpositibo sa virus sa Cagayan at kay PH661 na mula sa bayan ng Tuao.

Aniya, kung sakali na magnegatibo sa virus ang dalawa ay papauwiin na sakanilang mga tahanan at doon ipagpapatuloy ang 14 day quarantine.

Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na nasa maayos ng kalagayan ang dalawa maging ang anim na unang naitalang kaso ng covid na kasalukuyang nasa isolation area ng CVMC.

-- ADVERTISEMENT --

TInig ni Dr. Glen Mathew Baggao

Samantala, ipinaliwanag ni Baggao na kapag ang isang PUI ay namatay bago lumabas ang resulta ng kanyang lab test ay kailangang mailibing sa loob ng 12 oras.

Aniya, ang kanilang mga tauhan na mismo ang mag-aayos sa bangkay kung saan kanila na munang ibabalot sa bag na selyado bago ilagay sa kabaong at agad na ililibing.

Hindi na rin kailangang iburol katulad ng nakaugalian para masiguro na hindi magkakalat ng virus kung sakali man na positibo sa virus ang resulta ng kanyang laboratory test.

TInig ni Dr. Glen Mathew Baggao

Samantala, nanawagan ang CVMC sa publiko na alisin ang diskriminasyon sa kanilang mga health workers dahil hindi rin ginusto ng ospital na maikalat ang covid-19.

Pahayag ito ni Baggao matapos makaranas ng diskriminasyon ang kanilang mga health workers kung saan hindi umano sila pinapayagang makapasok sa kanilang mga tinitirhang bahay at hinaharang umano sa check point.

Aniya, hindi kasalanan ng ospital ang pagkakaroon ng kaso ng virus sa lalawigan sa halip ay ang komunidad ang nagdala nito.

Sinabi ni Baggao na malaki ang sakripisyo ng mga health workers sa paglaban ng covid kung kaya’t dapat din silang tulungan.

Maging aniya ang mga pasyente na pinapauwi mula sa kanilang ospital ay huwag kamuhian dahil hindi naman lahat ng mga pasyente sa CVMC ay apektado ng virus.

Sinabi ni Baggao na mahigpit ang kanilang monitoring sa loob ng pagamutan kung kaya’t hindi nila basta-bastang pinapauwi ang mga pasyente na apektado ng covid-19.

Tinig ni Dr. Glen Mathew Baggao