Inaresto ang isang pulis sa Connecticut, USA matapos aksidenteng makalabit ang gatilyo ng baril na napagkamalan niyang taser habang hinahabol ang isang lalaking sinita niya dahil umano sa marijuana sa loob ng sasakyan nito.

Napag-alaman din na hindi nakarehistro sa tamang sasakyan ang plaka ng kotseng ginamit ng suspek.

Habang nagkakahabulan, nagbabala ang pulis na gagamit siya ng taser, ngunit baril pala ang kaniyang nahugot at agad itong napaputok.

Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang lalaki, na kalaunan ay naaresto rin.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Office of the Inspector General, nakumpirma na baril ang ginamit ng pulis at hindi ito simpleng aksidente kundi isang seryosong pagkakamali.

-- ADVERTISEMENT --

Isinailalim si Officer Brandon Thomas sa remedial training ngunit sa pangalawang pagsasanay, muli na namang baril ang kaniyang nabunot sa halip na taser.

Dahil dito, sinampahan siya ng mga kasong second-degree reckless endangerment at unlawful discharge of a firearm, at inilagay sa restricted duty habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon.