Sinampahan ng kasong Parricide in relation to Omnibus Election Code ang isang pulis na bumaril-patay sa mismo nitong ama sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Octavio Esteban, 73 anyos habang ang suspek ay si PCMS Oginio Esteban, 42 years old, miyembro ng PNP Aviation Security Group na nakabase sa airport sa lungsod ng Tuguegarao at kapwa residente ng Brgy. San Jose.
Ayon kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Cagayan, may hindi pagkaka-unawaan sa kanilang pamilya ang Ama at ang kanyang mga anak kasama na ang pulis na suspek dahil sa umanoy pananakit ni Octavio sa kanyang asawa at mayroon pang kinakasamang ibang babae.
Una rito, kinausap ng mga magkakapatid ang kanilang Ama dahil sa maling ginagawa nito ngunit siya ay nagalit at sumugod ng may dalang baril sa bahay ng isa niyang anak at nagwala at nanira ng mga gamit hanggang sa matakot pa ang mga batang apo nito na nasa loob ng bahay.
Dahil sa hindi maawat ay tinawagan na nila ang pulis na nataon namang naka off-duty ngunit ng malapit na siya sa bahay ng kanyang kapatid ay nakita ng Amang ang sasakyan nito at pinahinto sa kalsada.
Batay umano sa pulis, nang itinigil niya ang kanyang sasakyan at bumaba ay nakita niya ang pagbunot ng ama nito sa dalang caliber 38 revolver na nakasukbit sa kanyang baywang kaya’t inunahan na niyang paputukan.
Sinabi ni Gano na nagtamo ng tatlong tama ng 9mm glock 17 sa kanyang leeg at dibdib ang biktima na sinubukan pang isugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Matapos ang insidente ay nagtawag aniya ang suspek ng isang retired pulis na nasa malapit sa lugar at boluntaryong isinuko ang kanyang sarili maging ang ginamit na baril.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang ang mga labi ng kanyang ama ay nasa pangangalaga ng isang punerarya.