Blanko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan ng motoristang nakasagasa at ikinamatay ng isang pulis habang nagjo-jogging noong madaling araw ng Biyernes sa Brgy Nambaran, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang biktima na si PSSGT Aldrin Agpad, 36-anyos, miyembro ng SWAT Tabuk City at residente sa Brgy Nambaran.

Ayon kay PCAPT Ruff Manganip, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office, patuloy na inaalam ng mga otoridad kung nahagip ng mga CCTV sa lugar ang pagkakabangga at pagtakas ng suspek.

Sinabi ni Manganip na pasado alas 3:00 ng madaling araw nang marinig ng isang residente sa lugar ang kalabog ng isang sasakyan subalit hinayaan lamang niya ito at hindi inakalang may nabangga na pala ito.

Pasado alas 6:00 ng umaga nang matagpuan na ang biktima at sinubukan pang isugod sa pagamutan subalit ideneklara ng duktor na dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Manganip na posibleng galing sa Tuguegarao ang nakabanggangang sasakyan na dumaan sa Tabuk-Tuguegarao road dahil sa likod nasagasaan ang biktima at tumilapon ng ilang metro habang may mga nakita rin debris ng sasakyan sa lugar.

Kaugnay nito ay nananawagan ang PNP sa publiko kaugnay sa sasakyan na may sirang hood na posibleng nakabangga na itawag lamang sa hotline ng PNP Tabuk upang mabigyan ng hustisya ang nasawing pulis na may dalawang anak.