Nakatanggap ng mga papuri ang isang pulis dahil sa ginawa niyang pagsunggab sa patalim na hawak ng isang hostage-taker para mailigtas ang buhay ng isang binata sa Baliwag, Bulacan.

Sa footage na kuha ng isang netizen na makikita ang isang lalaki na hawak ang isang patalim sa isang kamay, habang hostage ang isang binatilyo.

Ang binatilyo naman, tila nakikiusap sa suspek.

Sa harap ng isinasagawang negosasyon, nakahanap ng tiyempo ang pulis at sinunggaban ang hawak na patalim, at itinumba niya ang hostage-taker.

Nang matumba, tumulong na rin ang iba pang pulis, maging ang biktima para tuluyang madakip ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Kinilala ang pulis na si Police Master Sergeant Francis Damian ng Baliwag Bulacan Police Station.

Sa kanyang salaysay, nagpapatrolya sila noong madaling araw ng August 13 nang tawagan sila ng kanilang station na may nagaganap na pananaksak sa public market, kung saan naabutan nila ang hostage-taking.

Aminado si Damian na siya mismo ay nakaramdam din ng takot.

Dahil sa kanyang ginawa, itinuturing siyang isang bayani dahil sa kanyang katapangan.