
Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa isang pulis na sangkot sa viral video kung saan hinarangan ng kanyang sasakyan ang isang fire truck.
Ayon sa LTO, inatasan ni Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang pag-isyu ng SCO laban sa may-ari at driver ng sasakyang ginamit sa insidente.
Sa video, makikitang hindi pinadaan ang fire truck, at iniulat din na gumawa ng hindi angkop na pahayag ang pulis laban sa driver ng emergency vehicle.
Pinapatawag sa LTO Office ang driver at may-ari ng sasakyan upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng kasong obstruction at suspindihin ang lisensya ng driver dahil sa pagiging “improper person to operate a motor vehicle.”
Isinailalim din sa alarm ang sasakyan, habang pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver.
Binigyang-diin ng LTO na mahalagang hindi hinaharangan ang mga emergency vehicle tulad ng fire truck, dahil kritikal ang kanilang papel sa pagprotekta sa buhay at ari-arian ng publiko.










