
Tubong Kalinga ang pulis na binaril-patay matapos na rumesponde sa holdapan sa Barangay Commonwealth, Quezon City kahapon ng umaga.
Naka-duty noon si Patrolman Harwin Curtney Baggay, kasama ang kapwa pulis nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.
Dahil dito, agad silang pumunta sa crime scene.
Ayon sa Quezon City Police District(QCPD), ang kanyang kasama mula sa District Tactical and Motorized Unit ay nakatalaga sa Fixed Visibility Post sa harap ng Benigno Aquino Elementary School noong June 30 nang mangyari ang insidente.
Habang ginagampanan ang tungkulin, agad na rumesponde si Baggay at ang kanyang buddy nang makarinig ng maraming putok ng baril 25 metro ang layo mula sa kanilang post, kung saan nadatnan nila ang nangyayaring holdup incident.
Bago nabaril ng suspek si Baggay, pinaputukan na ang biktima na isang maglalako sa taas ng kanyang kanang kamay at binaril ang pulis na tumama sa kanyang balikat na tumagos sa kanyang dibdib.
Nagawa ng dalawang pulis na gumanti ng putok sa suspek na kanilang napatay.
Dinala si Baggay sa Rosario Maclang Hospital, subalit binawian siya ng buhay.
Nabatid na si Baggay ay tubong Pinukpuk, Kalinga.