
Sinaksak ng isang pulis ang kapwa akusadong pulis kaninang umaga habang sila ay nasa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City, kaugnay sa kasong pagnanakaw ng P13.45 million.
Ayon sa report, nangyari ang insidente sa kusina ng Crame, kung saan nakakustodiya ang dalawang pulis at apat na iba pang akusado sa nasabing kaso bago ang kanilang preliminary investigation sa Quezon City Prosecutor’s Office ngayong araw.
Batay sa police report, pumasok ang biktima na isang executive master sergeant sa kusina, na sinundan ng kapwa niya pulis na isang senior master sergeant.
Biglang kumuha ng patalim ang senior master sergeant.
Nang makita ito ng executive master sergeant, niyakap niya ito para mapigilan ang kanyang binabalak.
Subalit habang magkayakap, sinaksak ng senior master sergeant ang executive master sergeant sa likod.
Dinala ang biktima sa PNP General Hospital para sa medical attention at inoobserbahan dahil sa naubusan siya ng maraming dugo.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng officer on duty na nagbabantay sa mga pulis na nasa restrictive custody ang biglang pagbabago ng galaw ng senior master sergeant kaninang umaga.
Ang anim na pulis ay miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Organized Crime Unit (CIDG AOCU).
Nasa kustodiya ang senior master sergeant habang hinihintay ang posibleng kasong kriminal at administribo na isasampa laban sa kanya.
Idinagdag pa ng pulisya na isasailalim ang pulis sa medical at psychological evaluation.
Ang mga nasabing pulis ay inakusahan na kinuha ang P13.45 million na cash na kanilang nakumpiska sa isinagawang raid noong October 2024 sa pinaniniwalaang Philippine offshore gaming operator sa Bagac, Bataan.




