
Binaril ng pulis ang wanted person na kanilang lalagyan ng posas habang isinisilbi ang Warrant of Arrest (WOA) nang bigla umano itong manaksak sa bayan ng Bocaue nitong madaling araw ng Enero 19.
Sa ulat ni PLTCOL Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue police station, kinilala ang akusado na si alyas “Just,” 31, residente ng Northville 5, Brgy. Batia.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang pagsisilbi ng WOA bandang 12:05 ng madaling araw sa nasabing lugar.
Nabatid na habang nilalagyan ng posas ng isa sa mga arresting officer ang akusado ay bigla umano itong bumunot ng kitchen knife at sinaksak ang isang pulis sa kaliwang pisngi.
Dahil dito, walang nagawa ang pulis kaya napilitang ipagtanggol ang kanyang sarili at pinaputukan ng isang beses ang wanted na tumama sa kanang balikat nito.
Agad dinala ang sugatang pulis at ang akusado sa Joni Villanueva Hospital, Bocaue, para sa agarang medikal na atensyon.
Nakumpiska ang isang kitchen knife at isang basyo habang nagsasagawa na rin ng imbestigasyon at dokumentasyon ang Bulacan PFU sa lugar.
Sinasabing ang WOA para sa akusado sa kasong theft ay inisyu ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 17, Malolos City, Bulacan, at dahil sa nangyari ay nahaharap na rin siya sa kasong frustrated murder.






