
Sugatan ang isang pulis matapos siyang saksakin ng kapwa niya pulis sa loob ng Camp Crame sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Police Executive Master Sergeant Eric Castro, habang ang suspek ay si Police Senior Master Sergeant Michael Camillo.
Nangyari ang insidente bandang alas-7:30 ng umaga sa kusina ng Anti-Organized Crime Unit habang naghahanda ang mga tauhan para sa isang paunang pagdinig sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Batay sa imbestigasyon, nag-aalmusal ang mga pulis nang pumasok sa kusina si Castro, na sinundan ni Camillo.
Bumunot umano ng kutsilyo si Camillo kaya sinubukan siyang pigilan ni Castro.
Sa gitna ng kanilang pag-aagawan, nasaksak sa likod si Castro.
Agad na dinala ang biktima sa Philippine National Police General Hospital at patuloy na inoobserbahan dahil sa matinding pagdurugo. Isasailalim din siya sa X-ray examination.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na may naunang ulat na ng pagbabago sa kilos ni Camillo bandang alas-5:30 ng umaga.
Pareho umanong kabilang ang biktima at suspek sa anim na pulis na nasa restrictive custody kaugnay ng kasong administratibo at kriminal sa umano’y pagnanakaw ng ebidensiyang nakumpiska sa isang raid sa Bataan noong Oktubre 2024.
Nasamsam ng mga awtoridad ang ginamit na kutsilyo at isasailalim ito sa forensic examination.
Nasa kustodiya na si Camillo habang isinasagawa ang mga kasong administratibo at kriminal, kabilang ang medical at psychological evaluation.










