TUGUEGARAOCITY-Pulitika ang nakikitang dahilan ng pananambang sa grupo ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda sa bahagi ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ayon sa maybahay nito na si Ginang Elizabeth Alameda, sa personal na aspeto ay walang ibang kaaway ang kanyang asawa maliban sa usapin ng pulitika kung saan ay may mga sinampahan siya ng kaso.
Gayonman ay labis aniya nilang ikinagulat ang nasabing insidente dahil wala namang nababanggit ang kanyang asawa na banta sa kanyang buhay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy naman ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad at inihayag ni Ginang Alameda na may lead na umanong sinusundan ang pulisya dahil natukoy na nila ang may-ari ng sasakyan na umanoy mula pa sa Manila.
Naniniwala rin ang Executive Assistant at kaanak ni Vice Mayor Alameda na si Aizadel Alameda na walang ibang motibo sa krimen kundi pulitika lang kung saan inilarawan niyang mabait na tao ang bise alkalde kayat nalulungkot sila na ginawa sa kanya ang nasabing paraan ng pagpatay.
Sa ngayon ang tanging kahilingan lang ng buong pamilya ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng bise alkalde at sa limang kasama nito.
Samantala, hustisya din ang sigaw ni Ginang Maranela Alameda, asawa ng nasawing driver at pinsan ng bise alkalde na si John Duane Almeda.
Sa panayam kay Ginang Maranela, nanawagan siya ng tulong kay Pangulong Bongbong Marcos at maging sa kinauukulan upang tulungan sila na matukoy ang mga salarin sa pamamaslang sa kanilang mga mahal sa buhay.
Inilarawan nito ang kanyang asawa bilang responsable, mapagmahal sa pamilya at walang ibang hangad kundi matustusan ang kanilang pangangailangan.
Emosyonal na ibinahagi nito na halos hindi na nila makilala ang kanilang mga mahal sa buhay dahil sa matinding tama ng baril na tinamo nila mula sa nasabing insidente.
Hindi aniya nila inakala na tatambangan ang grupo ng bise alkalde dahil wala namang banta sa kanilang buhay at dahil dito ay kampante silang lumuwas na hindi na nagtawag ng escort o security.
Malalalang nitong Pebrero 19 ay tinadtad ng bala ng mga suspek ang sinaKYAN ng anim na biktima at kasama rin sa nasawi sina Alexander Agustin, 47, Alvin Dela Cruz Abel, 48 anyos, Abraham Dela Cruz Ramos Jr., 48 anyos pawang residente ng Brgy. Minanga, Aparri Cagayan at si Ismael Nanay na residente naman sa Brgy. Maura, Aparri