Maaari nang bumiyahe sa lungsod ng Tuguegarao ang mga Public Utility Vehicles (PUVs) na may ‘special permit’ mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na nakahanda na ang tatlong terminals sa lungsod para sa mga pampublikong sasakyan.
Bawat terminal na matatagpuan sa eastern, northern at western part ng lungsod ay may comfort room, at may nakalaang foot disinfectant o foot bath at hand sanitizer para sa mga pasaherong bababa at sasakay.
Bukod dito, iniutos din ng alkalde ang paglalagay ng CCTV sa bawat terminal upang ma-monitor ng pamahalaang lungsod ang mga pasahero.
Samantala, ginawa nang tatlong linya para sa cargo, pribadong sasakyan at PUV’s ang bahagi ng Carig- Iguig boundary at Namabbalan quarantine checkpoint.
Habang patuloy namang inaayos ang sistema ng daloy ng trapiko sa may bahagi ng Buntun kung saan magiging dalawa na ang quarantine checkpoint sa lugar na may isan-daang metro ang layo.
Inihayag ni Soriano na ang mga special permit ng mga PUVs ay kailangang nakadikit sa harapang bahagi ng windshield ng sasakyan.
Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), 50% lang ng orihinal na passenger capacity ng mga PUVs ang papayagang maisakay para masigurong masusunod ang social distancing.
Responsibilidad din ng driver na tiyaking nakasuot ng facemask at may photocopy ng travel pass ang mga isasakay na pasahero na patungo sa lungsod.
Lahat ng travel pass ay iiwan sa chekpoint, kapalit ng ibibigay na visitors pass (may mahalagang lakad sa lungsod) o trancient pass (dadaan lamang sa lungsod patungo sa ibang bayan).
Dagdag pa niya na tanging sa terminal lamang magbababa o magsasakay ng mga pasahero ang mga PUVs.
Hinihingi naman ni Soriano ang pang-unawa ng publiko sa mahigpit na protocol upang mapadali ang contact tracing kung sakaling may magpositibo ng virus matapos isinailalim sa GCQ ang rehiyon dos, mula sa mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ).