Quarantine status sa Tuguegarao City, inirekomendang ibaba na sa MECQ
Hiniling ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao na maibaba na ang quarantine classification ng lungsod sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Una rito, nagpatawag ng pulong kahapon si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa mga miyembro ng 8th City Council at iba pang sektor upang hingan ng suhestyon sa posibleng pagbaba ng quarantine status ng lungsod mula sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na magtatapos bukas, Setyembre 5.
Kasama sa inorganisang pulong ang mga business at health sectors, vendors, association, transport group, hospital administrators, mga Punong Barangay at SK Federation President.
Sa nangyaring pulong, napagkasunduan na hihilingin sa Regional Inter-Agency Task Force na maibaba ang quarantine status ng lungsod sa MECQ with heightened restrictions, hanggang September 12, 2021.
Ito ay matapos ikonsidera ang mga naitalang aktibong kaso ng mga tinamaan ng virus, mga namamatay, at ang hospital utilization rate maging ang mga naapektuhang negosyo at pangkabuhayan habang nakasailalim ang lungsod sa ECQ status.
Kaugnay nito, naiendorso na ni Governor Manuel Mamba sa Regional-IATF ang position paper na isinumite ng pamahalaang panglunsod at inaantay pa ang kanilang magiging desisyon.
Kasabay nito, sinabi ni Atty Jonanette Siriban, tagapagsalita ng pamahalaang panlungsod na mahigpit pa ring ipatutupad ang lockdown protocol sakaling isailalim ang lungsod sa MECQ.
Ipagbabawal pa rin na mag-operate ang ilang sektor at limitado lamang ang biyahe ng public utility transport kung saan ipatutupad ang coding scheme sa mga tricycle.
Dagdag pa ni Siriban, mananatili ang paggamit sa quarantine pass at patuloy ang isasagawang contact tracing at testing para sa hangaring pababa pa lalo ang hawaan ng virus.