Binigyang-diin ni Rev. Fr. Douglas Badong sa ginanap na Fiesta Mass sa Quiapo Church kaninang alas-12:00 ng tanghali ang pagmamahal ng Diyos na sinisimbolo ng Poong Jesus Nazareno.

Kasabay ng pagdiriwang sa kapiyestahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ipinaalala ni Fr. Badong na ang selebrasyon ay nagpapa-alala sa tunay na pagmamahal tulad ng pagmamahal ng Diyos sa mga tao kaya’t ibinigay niya ang kaniyang nag-iisang anak.

Kaakibat ng debosyon sa Jesus Nazareno, hindi dapat aniya kinakalimutan ng mga deboto na mayroong nagmamahal sa kanila, at ito ay ang Diyos – na sa kabila ng pagtakwil o pagbalewala ng kapwa-tao, nananatili ang pagmamahal ng Diyos.

Ang imahe ng Jesus Nazareno, ayon kay Fr. Badong, ay dapat magsilbing paalala sa naturang aral: sa likod ng mga problema, sakit, at anumang nararamdaman, kailangan lamang magtiwala sa Diyos dahil mas matimbang ang kaniyang pagmamahal kaysa sa anumang hinanakit sa buhay.

Binigyang-diin din ni Fr. Badong ang porma ng sikat na imahe ng Jesus Nazareno na nakaluhod habang pasan ang mahabang itim na krus.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, nagpapakita ito ng pag-aalay ng Diyos sa kaniyang sarili, pag-alok ng pagmamahal, at pagpapakumbaba.

Ang mga naturang katangian aniya ang dahilan kaya maraming mga deboto ang araw-araw na nagnanais masilayan at mahawakan ang imahe, dahil maliban sa pagnanais na makakita ng himala ay nakakaramdam ang mga ito ng pagmamahal, ang isa sa pangunahing pangangailangan ng isang tao.