
Nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang personal driver at assistant ni Rhian Ramos laban kina sa mismong aktres at beauty queens na sina Michelle Dee at Samantha Panlilio, kaugnay ng umano’y pisikal na pananakit, torture, at serious illegal detention.
Ayon sa complainant, naganap umano ang insidente noong Enero 17 sa isang condominium unit sa Makati City matapos siyang akusahan ng pagnanakaw ng pribadong larawan.
Iginiit niyang binugbog at sinaktan siya, kabilang ang pagbuhos ng alcohol sa kanyang mga mata at pananakit habang ikinukulong umano siya sa loob ng tatlong araw.
Sinabi rin ng complainant na sinubukan niyang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-39 na palapag ngunit nahuli at naibalik sa unit.
Kalaunan, isinampa laban sa kanya ang kasong qualified theft, na kalauna’y ibinasura ng piskalya, dahilan upang siya’y makalaya noong Enero 22.
Itinanggi naman ng kampo nina Dee at Ramos ang paratang ng illegal detention.
Ayon sa kanilang abogado na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, si Dee ang unang nagsampa ng kaso laban sa driver at wala umanong naganap na ilegal na pagkulong dahil residente ng condominium ang complainant bilang bahagi ng kanyang trabaho.
Kinumpirma ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na tumulong sila sa complainant sa pagsasampa ng reklamo.
Patuloy pang kinukuhanan ng pahayag ang isa pang beauty queen na sangkot sa reklamo.










