Inihayag ni Philippine Military Academy Military Cadet 1CL Giselle Tong ng Tuguegarao City na hindi siya makapaniwala na mapapabilang siya sa Top 10 cadets ng Bagong Sinag Class 2024.
Sinabi niya na ang hangad lamang niya ay makapagtapos sa PMA dahil hindi ito ang kanyang unang pangarap kundi maging isang engineer.
Ayon sa kanya, ang kanyang ina na isang pulis ang kumumbinsi sa kanya na subukan na mag-entrance exam sa PMA noong siya ay nasa senior high school pa lamang at hindi naman niya binigo ang ina at ang kanyang sarili matapos siyang makapasa.
Dahil dito, itinuloy na niya ang pagpasok sa PMA dahil nais din niyang patunayan na kaya niya ang physical activities at military trainings dahil tiwala siya na makakaya niya ang academics dahil nakapasa din siya sa entrance exam sa engineering sa University of the Philippines, University of Sto. Tomas, at iba pang unibersidad.
Sinabi niya na ang pinakamahirap na bahagi ng pag-aaral niya sa PMA ay sa unang taon dahil sa mula sa pagiging sibilyan ay agad na napasabak sa mga mahihirap na mga pagsasanay at isinasabay pa ang pag-aaral sa kanilang mga asignatura.
Bukod sa Rank 8 siya sa mga nagsipagtapos, nakatanggap din siya ng Mathematics Plaque at siya ay magsisilbi sa Philippine Navy.