Ibinasura ng korte sa Caloocan ang kasong rape laban kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at iba pa matapos na ilang ulit na mabigo ang complainant na magpakita sa korte.
Sa dalawang pahinang desisyon, ibinasura ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 121 ang mga kaso laban kina Roque, Pandi councilor Jonjon Roxas, at government employee Roel Raymundo Jr.
Ayon sa korte, dahil sa ilang ulit na hindi pagdalo ng private complainant sa korte sa kabila ng mga notice at sa mosyon ng defense counsel, provisionally dismissed ang kaso laban sa mga akusado.
Sinabi ng korte, personal pa na dinala ang subpoena sa complainant, subalit hindi pa rin siya nagpakita, at ibig sabihin ng pagbalik ng subpoena ay hindi siya mahanap.
Batay naman sa ibinahagi na dokumento ng kampo ni Roque mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), walang record ng birth, marriage, o death ang complainant.
Samantala, inatasan ng korte ang jail warden ng Pandi Municipal Station na palayain na sina Roxas at Raymundo maliban lamang kung mayroon pa silang ibang kaso.
Unang pinalaya si Roque noong December 2024 matapos na pagbigyan ng korte ang kanyang motion to quash sa kanyang arrest warrant.