Tuguegarao City- Naglatag ang Cagayan Provincial Health Office (CPHO) ng rapid anti-body testing site sa mga checkpoint areas sa Cagayan kontra COVID-19.

Ayon kay Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer, mahalaga ang naturang aksyon upang mamonitor ang kalusugan ng mga pumapasok sa lalawigan.

Binigyang diin nito ang kahalagahan ng rapid anti-body test upang matukoy ang kondisyon ng isang indibidwal sa banta ng COVID-19.

Kaugnay nito, sa pamamagitan aniya ng clinical assessment, PCR testing at Rapid Anti-body Testing complimentations ay matutukoy kung “COVID Free” ang isang pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag pa ni Dr. Cortina na kapag isailalim ang mga pasyente dito ay matitiyak kung maaari ba silang pauwiin at makisalamuha sa publiko.

Ayon pa sa Doktor ay naglaan ng P15M na pondo ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan mula sa Bayanihan to Heal as One aCT upang magamit na pambili sa mga testing kits.

Sa ngayon ay pinaghahandaan aniya nila ang gagawing testing sakaling aprubahan ng CVMC ang kanilang kahilingan na ilagay ang mga testing kits sa kanilang tanggapan.

Samantala, nabatid na may 27 na mga OFW ang isinailalim na sa naturang pagsusuri ng dumating sila sa lalawigan ng Cagayan.