TUGUEGARAO CITY- Nananatili sa red alert status ang Regional Disaster, Risk and Reduction Management Council Region 2 kaugnay sa inaasahang pananalasa ng bagyong “Siony” sa Cagayan, Isabela at Batanes.
Sinabi ni Harold Cabreros, director ng OCD Region 2 na nagsagawa na ng aerial survey ang Armed Forces of the Philippines upang makita ang mga dapat na maisaayos bago pa tumama ang bagyo.
Ayon pa sa opisyal, sinabihan na rin ang mga Local Government Units na posibleng maaapektuhan ng bagyo na maging alerto, magsagawa ng pre-emptive evacuation at ipagbawal na rin ang paglalayag sa mga karagatan.
Bukod dito, sinabi ni Cabreros na ipinaalala rin nila ang pagsunod sa mga health standards laban sa covid-19 sakalibng may ililikas.
Kaugnay nito, sinabi ni Cabreros na nakapagpadala na sila ng mahigit 2, 000 na family food packs sa Batanes na dito inaasahang tatama ang bagyong “Siony”.
Sinabi pa niya na may stock din na 15, 000 family food packs sa DSWD Region 2.
Samantala, sinabi naman ni Ranshelle Parcon ng DOST- PAG-ASA- Tuguegarao na sa pinakahuling monitoring ay hindi naman magiging super typhoon si “Siony”.
Sa kabila nito, pinag-iingat niya ang lahat sa dalang malalakas na ulan at hangin ng bagyo na posibleng magdudulot ng pagbaha.