Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga otoridad sa mga pinaniniwalaang mga NPA na nagsagawa ng pamamaril-patay sa isang rebel returnee sa Gonzaga, Cagayan kaninang umaga.

Sinabi ni PMAJ. Lorvinn Layugan, hepe ng PNP Gonzaga, sa pahayag ng bayaw ng biktima, may kumatok sa kanilang bahay at nang pagbuksan ay pinagbabaril ng nasa 10 armadong indibidual na naka-camouflage si Freddie Pahicniyon, tubong Ifugao at naninirahan na sa Barangay Isca.

Ayon pa kay Layugan, bukod sa 10 na pumatay sa biktima ay may mga kasama pa ang mga ito na nasa 20 sa kalsada.

Sinabi pa ng bayaw ng biktima kinuha ng armadong grupo ang ilang gamit ng biktima tulad ng kanyang cellphone at habang papaalis na sila ay nagpaputok pa sila ng kanilang mga baril.

Sinabi pa ni Layugan na batay sa nakuhang ID sa biktima, siya ay 14th Battalion Commander ng Cordillera People’s Liberation Army o CPLA na mga dating rebelde sa Cordillera.

-- ADVERTISEMENT --