Tuguegarao City- Namahagi ng tulong pinansyal ang kasundaluhan sa 36 na sumukong mga dating miyembro ng militia ng bayan at mga NPA sa bayan ng Rizal, Cagayan.

Sa panayam kay LT Lloyd Orbeta, tagapagsalita ng 17 Infantry Battalion, Philippine Army, tig-P20k ang tinanggap na tulong ng mga ito mula sa pamahalaan.
Sinabi ni Orbeta na gagamitin ng mga nagbalik loob sa pamahalaan ang tulong pinansyal na natanggap sa kanilang pangkabuhayan.

Aniya, mayroon ding mga inaayos na dokumento para pormal na magawaran sila ng pabahay mula sa pamahalaan.

Paliwanag ng opisyal, bahagi ito ng proyekto ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTFLCAC) at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) bilang hakbang ng pamahalaan na tulungan ang mga sumusukong rebelde na makapagbagong buhay.

Nabatid na mayroon pang 2nd batch na mababahagian ng tulong pinansyal mula rito sa lalawigan ng Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Katuwang ng 17th IB sa pamamahagi ang Department of Social Welfare and Development at iba pang mga concerned agencies.