
Sinuspindi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lahat ng mga ginagawang reblocking dahil sa posibleng korupsyon.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon, epektibo ang nasabing kautusan ngayong araw, at gagawa siya ng bagong department order tungkol sa reblocking.
Nagtataka si Dizon kung bakit binabakbak ng DPWH ang mga kalye na mukha pa namang maayos para lang gawin ulit.
Ayon sa kanya, posibleng pinagkakakitaan ang pagsira at paggawa ulit ng mga nasabing kalsada.
Kabilang sa mga ipinatigil ni Dizon na reblocking ay sa lungsod ng Tuguegarao matapos na isumbong ito ni Mayor Maila Ting Que.
Ito ay ang concrete road papuntang Cagayan State University papunta sa isang subdivision.
Ginawa lamang ito noong 2023 sa ilalim ng pondo ng pamahalaang lokal ng Tuguegarao.
Ang isa pa ay sa Bucaue, Bulacan, kung saan sinabihan na niya ukol dito ang deistrict engineer.
Ayon kay Dizon, maraming mamamayan ang galit-galit sa mga ginagawang reblocking dahil sa mukha namang maayos pa ang kalsada, subalit binabakbak para muling ayusin.
Sinabi ni Dizon na kailangan na maipaliwanag kung bakit may reblocking upang maunawaan ito ng mga mamamayan, kailangan na may basehan at kailangan na transparent ang mga ito.