Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad na maglalaan ng pondo para sa reconstruction ng bumigay na Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan.

Bumagsak kahapon ang nasabing tulay dahil umano sa pagdaan ng overloaded na trucks na ang load limit ay 18 metric tons lamang.

Siniguro ni DPWH Secretary Vince Dizon na maghahanap sila ng pondo para sa reconstruction ng tulay sa budget ngayong taon o sa ilalim ng national budget sa susunod na taon.

Kasabay nito, sinabi ni Dizon na sa ngayon ay kailangan na gumawa ng pansamantalang tulay sa lalong madaling panahon.

Ayon sa kanya, ang ahensiya ang magpo-pondo sa reconstruction ng tulay.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na ang Piggatan Bridge ay isang critical bridge dahil ito ang nag-iisang tulay na nagdudugtong sa Tuguegarao City sa ibang bahagi ng northern Cagayan hanggang sa bayan ng Aparri, at ang Cagayan ay isa sa food baskets ng bansa.

Idinagdag pa ni Dizon na bibisitahin niya ang nasabing tulay bukas, October 8.

Ayon sa kanya, kailangan na pag-aralan kung paano ang gagawing recontruction sa tulay sa lalong madaling panahon, at sa kanyang pagbisita ay kakausapin niya ang mga engineers at kay Governor Edgar Aglipay, upang alamin kung ano ang tunay na nangyari sa pagguho ng tulay.

Sinabi naman ni Rueli Rapsing, head ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na kailangan na talaga ng tulay ang reconstruction.

Ayon kay Rapsing na may apat na trucks na dumaan sa tulay nang ito ay bumigay, at hindi tatlo batay sa unang impormasyon.

Idinagdag pa ni Rapsing na nagkaroon ng retrofitting sa tulay noong 2022 hanggang 2023, at karaniwan ang pagdaan dito ng delivery trucks dahil ito ay isang major highway.

Samantala, naglabas ng abiso ang DPWH sa publiko na dumaan sa alternatibong ruta via Jct. Gattaran – Cumao- Sta. Margarita Bolos Point Road papuntang Baybayog – Baggao – Sta. Margarita Road at vice versa.