Tuguegarao City- Naitala ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang record high na bilang ng COVID-19 related patients mula ng makapasok ang virus sa bansa.
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng ospital, ito ang unang pagkakataon na makapagtala ng 126 na confirmed at suspected cases ang CVMC.
Aniya, sa bawat isolation rooms ay dalawang pasyente na ng COVID-19 ang nakaadmit dahil nagkukulang ang mga nakatalagang kwarto para sa mga pasyente.
Nagconvert na rin umano sila ng ilang ward upang doon dalhin ang iba pang mga pasyente.
Sinabi pa ni Baggao na mayroon ding mga pasyente ang nakatakda sanang operahan ngunit nang isailalim sa swab test ay nagpositibo sa virus at dapat na maisolate.
Giit niya na batay sa bagong polisiya ay kinakailang na dumaan muna RT-PCR test ang isang pasyente bago operahan bilang pag-iingat na hindi rin mahawaan ang ibang staff ng ospital.
Bukod dito, sinabi ni Baggao na mayroon ding dalawang staff ng CVMC na naturukan ng 1st dose ng bakuna ang nagpositibo sa virus.
Paliwanag niya, ang muling pagsirit ng kaso ng COVID-19 ay dahil na rin sa pagiging kampante ng publiko at hindi pagsunod sa mahigpit na minimum health standards.
Ang mga pasyente ay galing sa iba’t ibang mga lalawigan sa rehiyon at sa Apayao at Kalinga.
Samantala, sinabi pa ni Baggao na tapos na ngayon ang pagbabakuna sa mga kawani ng kanilang tanggapan para sa 1st dose ng bakuna.
Mula sa mahigit 2k na empleyado ng ospital ay umabot sa mahigit 1,700 o katumbas ng 76.58% ang nabakunahan ng astrazeneca at sinovac vaccine.
Inihayag nito na wala namang masamang epekto ang bakuna sa lahat ng mga staff na nabakunahan maliban sa mga normal na adverse effect ng bakuna.
Mayroon aniyang mga staff ang hindi nagpabakuna dahil sa iba’t ibang kadahilanan.