Tuguegarao City- Naabot na ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang record high status nito bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lambak ng Cagayan.
Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng nasabing pagamutan, nasa 100 na mga COVID-19 patients na ngayon ang nasa kanilang pangangalaga.
Aniya, inaasahan pa ang pagtaas ng nasabing bilang dahil sa may mga pasyente pang nakaabang sa kanilang emergency rooms.
Karamihan sa mga naaadmit sa CVMC ay mga referral patients mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon.
Paliwanag ni Baggao, maaaring ang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa region 2 ay dahil sa social gatherings nitong nakaraang pagdiriwang ng holidays season.
Nababahala ngayon ang nasabing pagamutan dahil punuan na rin ang iba pang mga ospital sa rehiyon tulad nalamang ng Santiago Isabela Medical Center at ng Nueva Vizcaya Trauma Medical Center.
Ayon pa kay Baggao, karagdagan pa ngayon sa pinangangambahan ay ang bagong variant ng COVID-19 na sinasabing nakapasok na sa pilipinas.
Kaugnay nito, pinag-uusapan aniya nila ang mga paraang dapat na gawin upang madagdagan ang bed capacity dahil sa pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng virus sa probinsya.
Magugunitang nagbigay ng direktiba ang DOH Central Office kaugnay sa paglalaan ng 30% bed capacity ng mga pagamutan upang makaagapay sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, inihayag pa ni Baggao na sa Pebrero 14 ngayong taon ay nakatakda na ring pasinayaan ang Acute Stoke Unit Bldg. ng CVMC.
Saad niya, malaking tulong ito upang magkaroon ng sariling pasilidad ang mga pasyenteng na-stroke para sila ay matutukan sa kanilang kondisyon.
Mas magiging madali na aniya ang pangangalaga sa kanila dahil may mga itatalagang mga doktor at mga nurses na mangangalaga sa mga pasyente ng stroke.