Hihingi ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Justice (DOJ) para matukoy at makapaghain ng nararapat na reklamo laban sa mga recruiter ng mga Filpino na kabilang sa 800 indibidwal na inaresto sa Laos dahil sa cyber scam network.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na ikinokonsidera niyang ang mga Filipino na naaresto sa Laos ay biktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Sa oras na dumating ang mga Pinoy mula Laos, sinabi ni Cacdac na kukunan ang mga ito ng pahayag para ma-pinpoint ang nag-recruit sa kanila dito sa Pilipinas.

Sinabi pa ng DMW chief na nakikipagtulungan din sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa kaso ng mga Filipino sa Laos dahil sa kawalan ng migrant workers office sa Lao People’s Democratic Republic (PDR).

Sa pahayag ng DFA, nagaganap ang crackdown sa mga illegal na kompanya sa loob ng Golden Triangle Special Economic Zone sa Bokeo Province.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Golden Triangle Special Economic Zone (SEZ) sa Bokeo na may mga Chinese-owned casinos at hotels, ay pinaniniwalaang lungga ng mga illegal na aktibidad sa bansa.

Nasa kabuuang 771 katao ang na-detain, karamihan ay mula sa Laos, Myanmar at China.

Mayroon ding mula sa Burundi, Colombia, Ethiopia, Georgia, India, Indonesia, Mozambique, Tunisia, Pilipinas, Uganda at Vietnam.

Samantala, nagbabala si Cacdac sa publiko na huwag magpabiktima sa mga hindi lisensyadong recruiter na naghihikayat sa mga Filipino na magtrabaho sa mga bansa sa Southeast Asia gaya ng Laos.

Sinuman na aalis ng bansa para magtrabaho sa ASEAN nation ay dapat na mayroong work visa.