Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang paggamit ng redactions sa live broadcast ng ikatlong araw ng kumpirmasyon ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagbubunyag ng depensa ng impormasyon na maaaring magbigay-daan sa pagkakakilanlan ng mga biktima at testigo.

Pinaalalahanan naman ni Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc ang depensa na huwag ilahad ang hindi kinakailangang impormasyon.

Ang motion para sa redactions ay hiningi ng prosekusyon ng ICC at tinutulan ng depensa.

Binanggit ni Motoc na ilang beses na nagbunyag ang depensa ng impormasyon na maaaring makilala ang mga biktima at testigo, kabilang ang kanilang posisyon at palayaw, na hindi dapat isiwalat.

Ang redactions ay limitado lamang sa impormasyong makikilala ang mga indibidwal at hindi sa pangkalahatang kaganapan ng kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng hakbang na ito na protektahan ang kaligtasan, dignidad, privacy, at mental na kalagayan ng mga biktima at testigo.

Muling pinaalalahanan ng hukom ang lahat ng partido na sundin ang mga tagubilin at tiyakin na ang kanilang mga dokumento ay hindi naglalantad ng sensitibong impormasyon.