TUGUEGARAO CITY- Umaasa ang Department of Agriculture Region 2 na wala ng maitatalang kaso ng African Swine Fever sa susunod na tatlong buwan sa Region 2 at maidedeklara na itong ASF free.
Sinabi ni Roberto Busania ng DA Region 2 na ito ay upang mapalitan na sa pink mula sa kulay na red ang rehion sa usapin ng ASF.
Ayon kay Busania ang huling kaso ng ASF ay naitala sa Ramon, Isabela nitong March 20 at ngayong Abril ay ASF free na ang rehion.
Sa katunayan, sinabi niya na nakapagpadala na ang rehion ng mahigit sa 1,500 na baboy sa Region 3 at National Capital Region na mataas na mortality ng baboy.
Sinabi ni Busania na nakatulong sa paglaban sa paglaganap ng ASF ang covid-19 quarantine checkpoints.
Samantala, sinabi ni Busania na naisumite na nila ang indemnification request para sa mga hog raisers na isinailalim sa culling ang kanilang mga alaga dahil sa ASF.
Ayon sa kanya, P11m ang halaga ng mga baboy na isinailalim sa culling sa Region 2.