TUGUEGARAO CITY- Nakaalerto pa rin ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC hanggang sa pagkatapos ng pagsalubong sa Bagong Taon para sa mga posibleng dadalhin sa ospital na magtatamo ng injuries dahil sa hindi maiwasang paggamit ng mga paputok at iba pang mga injuries mula sa mga hindi inaasahang mga insidente.

Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief na mayroon silang binuo na special team sa emergency room na exclusive na mag-aasikaso sa mga fireworks related injuries na isusugod sa pagamutan.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Baggao na sa kanilang monitoring na nagsimula noong Decemeber 21, may isinugod sa CVMC na isang siyam na taong gulang na lalaki mula sa Barangay Cataggaman, Tuguegarao City na nagtamo ng sugat dahil sa paggamit ng boga noong December 24.

Samantala, sinabi ni Dr.Baggao na 30 ang isinugod sa CVMC na nasangkot sa vehicular accident mula December 24 hanggang 26 kung saan ang dalawa sa mga ito ay dead on arrival.

-- ADVERTISEMENT --

Sa tala naman ng PNP Solana, isang 20 taong gulang na babae ang tinamaan ng airgun habang siya ay nagwawalis sa kanilang bakuran sa Brgy. Cattaran.

Sinabi ni PCapt. Divina Lagua, nagulat na lamang si Reyma Burac nang may maramdaman na tumama sa kanyang paa at nang tignan nito ay dumudugo na ito.

Agad na dinala sa CVMC ang biktima at agad din na nakalabas dahil daplis lamang ang kanyang sugat.

Sinabi ni Lagua na nakilala ng biktima ang gumamit ng airgun subalit hindi na umano siya magsasampa ng reklamo.

Nabatid na manghuhuli sana umano ng ibon ang suspect.

Samantala, isa naman ang naputulan ng daliri na 12 anyos na lalaki sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Sinabi ni Pauline Atal ng Department of Health Region 2 na nasabugan ang hintuturo ng biktima sa whistle bomb na sinindihan umano ng kanyang kasama.

Batay sa monitoring ng Regional Epidimiology Surveillance Unit o RESU Region 2 mula December 21 hanggang 28 ay apat ang naitala nilang fireworks related injuries.

Isa ang naitala sa Tuguegarao City at isa sa bayan ng Pamplona, Cagayan, isa sa Luna, Isabela at ang naputulan ng daliri sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sinabi ni Atal na ang mga ginamit na paputok na sanhi ng mga nasabing insidente ay boga, whistle bomb at five star.