TUGUEGARAO CITY – Itinaas na ng Office of Civil Defense (OCD) Region 02 sa blue alert status ang alert level sa buong rehiyon bilang paghahanda sa epekto ng bagyong Bising.

Ayon kay Ronald Villa, operation center chief ng OCD-RO2 nakastandby 24-oras ang limampung porsyento ng mga disaster personnel sa buong rehiyon.

Inabisuhan na rin ang bawat Local Disaster Risk Reduction and Management Council na tiyaking nakahanda sa epekto ng bagyo at maiparating sa publiko ang mga babala at payo.

Pinayuhan na rin ang mga LGUs sa rehiyon na magsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.

Umapela naman si Villa sa mamayan lalo na ang mga residente na nasa mabababang lugar o tabi ng mga lambak at ilog na dapat maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nakararanas na ng manaka-nakang pag-ulan ang ilang mga bayan sa lalawigan dulot ng bagyong Bising.