TUGUEGARAO CITY- Sinimulan na rin ang pagbabakuna ng sinovac vaccines sa mga health care workers sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Probinsya ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Dr. Napoleon Obaña, medical center chief ng R2TMC , tatlong teams ang kanilang binuo para sa vaccination kung saan nasa 300 health care workers ang target na bakunahan ngayong araw.
Aniya, mula sa 1,167 na staff ng naturang pagamutan, 435 lamang ang nakatakdang bakunahan sa unang batch na tatapusin hanggang bukas, Marso 9, 2021.
Sinabi ni Obaña na kapag natapos na ang unang batch ay muli nilang ibabalik ang empty vials sa regional office ng Department of Health para sa kaukalang disposisyon kasabay na rin ng kanilang pagsumite ng pangalan para sa mapapasama sa second batch ng mga mababakunahan.
Pinangunahan naman ng limang duktor ang pagbabakuna sa naturang pagamutan.
Hindi naman nakaramdam ng adverse effect ang mga nabakunahan at tanging kirot lamang sa injection site ang naramdaman pero giit ng duktor na ito’y normal lamang.
Bigo namang magbakuna ang duktor dahil hindi pasok ang kanyang edad na 64 mula sa mga maaaring mabakunahan ng Sinovac vaccines na 18 hanggang 59.
Samantala, bahagya umanong tumaas ang naitatala nilang nagpopositibo sa covid-19 kung saan mula sa dalawa nitong nakalipas na linggo ay 15 na umano ngayon ang kanilang minomonitor.
Sinabi ni Obaña na ang mga ito ay galing sa iba’t-ibang lugar kung kaya’t maaaring nakuha nila ito sa kanilang mga pinanggalingan.
Dahil dito, muling hinikayat ng duktor ang publiko na sumunod pa rin sa mga nakalatag na health protocols para hindi mahawaan ng virus.