Nakatakdang magsagawa ng Migration and Development Forum ang Regional Development Council o RDC Region 2 bilang bahagi ng RDC week celebration sa Setyembre 25.
Sinabi ni Engr.Gerardo Catolos, Social Development Committee Secretariat, nasa 90 distressed overseas filipino workers sa lambak Cagayan ang inimbitahan na makikilahok sa naturang aktibidad.
Inihayag ni Catolos na kabilang sa mga resource speaker ay mga distressed ofw kung saan ibabahagi nila ang kanilang naging karanasan at kung paano nila nalampasan ang hindi magandang kapalaran sa pangingibang bansa.
Sa hapon naman ng Setyembre 25, binanggit ni Catolos na ilalahad ng mga kaukulang kawani ng pamahalaan ang mga iniaalok na programa para matulungan ang mga umuwing ofw matapos na mawalan ng trabaho sa ibang bansa.
Binigyang diin naman ni Engr.Ferdinand Tumaliuan, Asst.Regional Director ng National Economic and Development Authority o NEDA Region 2 na kinikilala ng pamahalaan ang papel na ginagampanan ng mga pinoy workers sa ibang bansa kung kaya’t kasama ang kanilang kapakanan sa tinututukan ng RDC.
Ayon kay Tumaliuan, malaki ang naiaambag ng mga ofws sa economic development hindi lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa dahil sa kanilang remittances na nagpapatatag ng ating ekonomiya.