Magiging limitado muna ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO) sa pagbubukas ng kanilang tanggapan bukas, Mayo 13 sa Cagayan Valley upang masiguro na masususnod pa rin ang social distancing.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Manuel Baricaua, administrative chief ng LTO Region 2 na magbabawas sila ng mga tatanggaping transaksyon sa bawat araw o lilimitahan lamang ito sa 70 transactions per day.

Bibigyang prayoridad ng LTO ang renewal ng mga driver’s license at registrations ng mga sasakyan na mag-eexpire simula bukas, Mayo atrese kung saan 50 katao ang kanilang tatanggapin kada araw.

Habang dalawampu (20) naman kada araw ang tatanggapin ng ahensiya upang mabigyan ng schedule para sa registration at lisensiya na nag-expire sa gitna ng enhanced community quarantine o mula March 16 hanggang May 12.

Paliwanag ni Baricaua, may ibinigay naman na dalawang buwan (60 days) na extension nang walang penalty para sa mga hindi nakapag-renew noong ECQ.

-- ADVERTISEMENT --

Siguraduhin lamang na bago pumunta sa tanggapan ng LTO ay kumpleto na ang mga dokumento.

Hinikayat naman ni Baricaua ang mga kukuha ng student permit na ipagpaliban na muna ito.

Tiniyak ni Baricaua na iiral ang pagpapatupad ng striktong health protocols sa kanilang mga kliyente upang matiyak ang kalusugan ng bawat isa.