Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang registration ng Duterte Youth party-list dahil sa hindi pagsunod sa mga itinakdang proseso ng batas.

Sa botong 2-1, nagpasiya ang Second Division ng Comelec na walang bisa ang pagkakarehistro ng grupo matapos mabigong patunayan na sinunod nila ang mga kinakailangang publication at pagdinig sa kanilang petisyon.

Ayon sa Comelec, hindi maaaring gamiting dahilan ng Duterte Youth na hindi sila pinagsabihan ng ahensiya ukol sa publication o pagdinig, dahil ito ay nagpapakita ng kakulangan sa transparency at pananagutan.

Kabilang sa mga basehan ng pagkansela ay ang pagtatalaga ng isang overaged na nominee na si Ronald Cardema, na labag sa patakaran ng Party-list System Act.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaari pang magsampa ng motion for reconsideration ang mga respondent at dalhin ang usapin sa Korte Suprema.

-- ADVERTISEMENT --

Kasalukuyan ding iniimbestigahan ang iba pang kaso laban sa Duterte Youth, kabilang ang umano’y paglabag sa resolusyon ng Comelec laban sa red-tagging at ang isyu sa pangalan ng unang nominee ng grupo.

Samantala, ikinatuwa nina ACT party-list Rep. France Castro at Antonio Tinio ang desisyon, at hinikayat ang Comelec en banc na pagtibayin ito upang maiproklama ang mga lehitimong kinatawan bago matapos ang Hunyo.