Nanawagan sa pamahalaan ang environmental group na Ban Toxics na higpitan ang regulasyon sa mga ibinebentang laruang pambata upang protektahan ang mga ito sa mga nakalalasong kemikal.
Ayon kay Tony Dizon ng BAN Toxic, dapat aniyang mahigpit na ipatupad sa Pilipinas ang pag alis, pagbabawal at hindi paggamit ng nakakalasong kemikal gaya ng arsenic, chromium, cadmium, mercury, lead at iba pa.
Bigo rin aniya ang pamahalaan na ipatupad ang Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lead sa paggawa at pagbebenta ng mga laruan at school supplies.
Kasabay ng pagdami ng mga plastic toys sa pamilihan ngayong Ber months, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na magsagawa ng post-market surveillance at kumpiskahin ang mga produktong walang wastong label at hindi rehistrado sa pamilihan.
Batay sa mahigit 100 laruang nasuri, nakakita ang grupo ng mga nakakalasong antas ng lead na hanggang halos 5,000 parts per million (ppm), mercury na hanggang 500 ppm at mga antas ng cadmium na hanggang mahigit 1000 ppm.
Karamihan aniya sa mga nasuri ay may taglay na chromin na mula sa mga recycled plastics.
Dagdag pa ni Dizon, ang mga kemikal na ito ay kapareho sa mga laruang sinuri ng grupo sa Dhaka, Bangladesh kamakailan.