Tuguegarao City- Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang ilang mga complainant sa Tabuk City kaugnay sa umano’y paglabag ng Anti-Graft and Corruption Practices Act at Price Act laban kay City Mayor Darwin Estrañero.

Ito ay kaugnay sa pagbili ng mga overpriced na mga medical supplies partikular ng 100 thermal scanner at iba pang mga kagamitang panlaban sa COVID-19 noong panahon ng lockdown.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Errol Comafay Jr., Complainant, may mga resibo aniyang kumalat sa facebook na nakasaad ang kwestyonableng presyo ng mga biniling overpriced na kagamitan.

Dahil dito ay nagpasya aniya siya na kumuha ng mga kopya at kasama ng iba pang abogado ay inaral nila ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa niya na nag-cash advance ng P5M si Tabuk City Mayor Estrañero mula sa pondo ng City Government upang may pambili sa mga nasabing kagamitan laban sa banta ng COVID-19.

Paliwanag pa ni Atty. Comafay, masyadong malaki ang P12k na halaga ng isang thermal scanner dahil kung ibabatay ito sa price ceiling na itinakda ng DOH ay aabot lang aniya ito ng P3400 bawat isa.

Inihayag pa niya na tinatayang nasa P1.9M ang nasayang mula sa nasabing pondo dahil lamang sa umano sa overpricing.

Ayon pa sa kanya na malaki sana ang maitutulong pa ng nasabing pera kung ginugol ito sa ng wasto.

Samantala, isinama rin sa sinampahan ng reklamo ang mga supplier na binilhan ng mga supply mula sa Cauayan City, Isabela at Quezon City.

Sa ngayon ay sinusubukan ding ugnayan ng Bombo Radyo si Tabuk City Mayor Estrañero para makuha ang kanyang panig.