
Inurong ng pamilya ng napatay na policewoman na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido ang reklamo ng robbery with homicide at theft laban sa kanyang dating asawa na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido.
Isinumite ng kapatid ng biktima na si Daisie Gabres ang mosyon.
Kinumpirma naman ni Quezon City Police District Director Col. Randy Glenn Silvio ang pag-atras ng reklamo, na nagresulta sa pagpapalaya kay Mollenido ng inquest prosecutor.
Gayunman, nagpapatuloy ang imbestigasyon, kabilang ang cyber warrant sa gadget ni Mollenido.
Ayon kay Atty. Cristobal Rimando, abogado ni Mollenido, pinatutunayan ng pag-urong ng reklamo ang kawalan ng ebidensiyang mag-uugnay sa kanyang kliyente sa krimen.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakasangkot ni Mollenido, kabilang ang umano’y agarang cremation ng bangkay ng asawa at sinasabing kawalan ng emosyon.
Mananatili si Mollenido sa restrictive custody ng NCRPO habang hinaharap ang hiwalay na reklamong obstruction of justice at administrative investigation.
Iginiit ng abogado na ibinigay ang labi ng asawa dalawang araw matapos itong matagpuan at pinabulaanan ang paggamit ng emosyon bilang indikasyon ng pagkakasala.










