TUGUEGARAO CITY – Sisikapin umanong tapusin sa lalong madaling panahon ng Technical Working Group ang kanilang Committee Report kaugnay sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela kasabay ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni TWG Chairman Cagayan 3rd district Cong. Joseph Lara na ang isinagawang Joint Meeting ng Committee on Agriculture and Food and Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sa isang Hotel sa Cagayan ay upang makabuo ng kongretong solusyon para maiwasang maulit ang mga pagbaha.

Ayon kay Lara, inaantay pa ng grupo ang position paper ng LGU Aparri at ng Non-Government Organization kaugnay sa rekomendasyon nitong ipatigil ang isinasagawang dredging o pagpapailalim sa ilog Cagayan.

Target ng grupo na maisama sa kanilang isusumiteng rekomendasyon ang pansamantalang pagpapahinto sa dredging sa Cagayan base sa rekomendasyon ni Fr. Manuel Catral, parish priest na sinang-ayunan ni Aparri Mayor Bryan Chan na dumalo rin sa naturang pagpupulong.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat hindi tutol ang LGU-Aparri sa naturang proyekto, sinabi ni Mayor Chan na nais nilang malinawan ukol sa dredging plan at ang tulong na ibibigay sa mga maaapektuhang mangingisda sa lugar.

Gayunman, nilinaw ng DENR na kasama sa dredging operation ang Aparri upang maipasok ang mga malalaking gamit sa operasyon para maibsan ang nararanasang pagbaha sa lalawigan at maging sa Isabela.

Bagamat wala pa ang Committee Report ay sinabi ni Lara na may mga ibinunga na ang kanilang pagpupulong.

Pangunahing tinukoy ni Lara ang rekomendasyon ng grupo sa pagsasagawa ng dredging sa mga silted deposits sa loob ng Magat Dam reservoir, dam protocol sa pagpapalabas ng tubig, konstruksyon ng mga river control projects at iba pa.

Binigyang diin ni Lara na ang kanilang magiging rekomendasyon ay naka-angkla sa mga istratehiya at imprastruktura para maiwasan na ang malawakang pagbaha.