BOMBO RADYO TUGUEGARAO

Naihatid na ng barko ng Phillipine Navy na Dagupan City LC-551 ang mga donasyon para sa mga pamilyang nasalanta ng Kiko sa lalawigan ng Batanes.

Ayon kay Lt. Madel Ladera, public affairs officer ng Naval Forces Northern Luzon na tumitimbang ng 161 tons ang mga sari-saring family foodpacks, school supplies, gamot at marami pang iba na naipong donasyon mula sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan, private sector at iba pang stakeholders.

Bilang pag-iingat sa dumaraming kaso ng COVID-19, ginamitan ng crane ang navy ship upang mailipat at maibaba sa pantalan ang mga relief items.

Umabot naman sa halos isang araw bago naibaba lahat ng mga donasyon sa tulong ng Philippine Marines MBLT-10, mga reservist, CAFGUs, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Batanes Tourguides Association, MJ Marie Construction, Batanes Merchant Services Cooperative, PEO personnel, PDRRMO, at PWSDO.

-- ADVERTISEMENT --