Inihayag ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na bilang paghahanda sa pananalasa ng Bagyong Kiko ay may nakaimbak nang 21,000 family food packs na handang ipamahagi ng ahensya sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng kalamidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Marciano Dameg, hepe ng Disaster Response and Management Division ng DSWD RO2 na ang naturang bilang ng mga food packs ay naka-preposition na sa ibat-ibang warehouses ng ahensya sa mga lalawigan ng rehiyon.

Ito ay bukod pa sa limang milyong pisong emergency fund na gagamitin sa pagbili ng mga family food packs at karagdagang P11 milyon na idadaan sa bidding ng ahensya.

Dagdag pa ni Dameg na nakahanda rin ang 9,240 non food items tulad ng family tents, hygiene kits, mosquito nets at iba pa na nagkakahalaga ng P12.8 milyon.

Tiniyak pa ni Dameg na handa ang ahensya na magpadala ng relief goods sa mga Local Government Unit kapag kinakailangan na sa panahon ng kalamidad.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nag-iba ang tahak ng bagyong Jolina na apektado lamang sa ngayon ang southern part ng Nueva Vizcaya ay banta naman ngayon si Typhoon Kiko sa rehiyon na posibleng maging isang super typhoon.