TUGUEGARAO CITY-Inaasikaso na ng lokal na pamahalaan ang relocation houses para sa mga nawalan ng tirahan sa bayan ng Abulug dahil sa magkasunod na bagyo na tumama sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Jeff Vargas na minamadali na ng LGU ang pagbili ng lote para sa lilipatan ng 36 na pamilya sa Barangay Dana-ili na nawalan ng bahay matapos ang biglaang pagbaha dulot ng nagdaang bagyong Quiel at Ramon.
Sa naturang bilang, pitong pamilya ang pansamantalang nakatira sa Barangay Gymnasium habang ang iba ay nakitira sa kanilang mga kaanak.
Ayon kay Mayor Vargas, nasa P25 milyon ang ilalaang pondo ng National Housing Authority (NHA) para sa konstruksyon ng mga bahay.
Samantala, sinabi ng alkalde na patuloy ang kanilang pamamahagi ng relief goods, katuwang ang ilang ahensiya ng gubyerno.
Dagdag pa ng alkalde na naibigay na rin ng DSWD financial assistance sa kabuuang 6500 pamilya na naapektuhan ng pagbaha sa Abulug.