
Iminungkahi ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na gumamit ng waiver, sa halip na search warrant, para maisagawa ang inspeksyon sa mga bahay o safekeeping facility ng mga gun owner.
Ayon kay Remulla, irerekomenda niya sa Kongreso at sa Korte Suprema ang mekanismong ito upang payagan ang awtoridad na magsagawa ng inspeksyon kahit may isang araw lamang na abiso.
Nilinaw ni Remulla na hindi layunin ng panukala na ituring na mga kriminal ang mga legal na may-ari ng baril. Aniya, makatutulong din ito sa mga gun owner upang matiyak na ligtas at naaayon sa pamantayan ang pagtatago ng kanilang mga armas.
Kasunod ito ng mga insidente kung saan hindi umano maayos na naitago ang mga baril ng mga estudyanteng nasangkot sa mga insidente ng pamamaril.
Sa ilalim ng panukala, ang mga aplikante ng License to Own and Possess Firearms o LTOPF ay maaaring pagpasulatin ng waiver bilang pahintulot na ma-inspeksyon ang kanilang tahanan o safekeeping facility.
Layunin nitong matiyak na walang access sa mga baril ang mga bata, menor de edad at iba pang hindi awtorisadong tao upang maiwasan ang mga insidente ng pamamaril at iba pang aksidente.




