

TUGUEGARAO CITY- Pinag-aaralan na ng Human Resource Office ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang mungkahi ni Mayor Jefferson Soriano na magpatupad ng reorganization sa mga empleado ng city hall.
Sinabi ni Andres Baccay, head ng HR ng city government na layunin nito na makasabay ang lungsod sa patuloy na umuusbong na teknolohiya.
Bukod dito, sinabi ni Baccay na ito ay para makatugon sa vision and mission ng pamahalaang panlungsod para sa mas maayos na pamamahala.
Sinabi ni Baccay na bubuwagin na ang mga hindi na kailangan na mga positions at lilikha ng mga bago na akma sa hangarin ng lungsod.
Inihalimbawa niya ang pagkuha ng mga IT experts o computer literate na mga empleado.
Gayonman, sinabi niya na maaari din na ilagay sa akmang position ang isang empleado sa halip na palitan ang mga ito.
Idinagdag pa ni Baccay na plano din nila na maglagay ng assistant department heads sa mga departamento na wala nito.
Sinabi niya na ito ay para hindi maparalisa ang isang departamento kung lumiban o may official business ang department head.
Ayon kay Baccay, makikipag-ugnayan sila sa Civil Service Commission para sa nasabing plano.










