
Nagsampa ng reklamong cyberlibel at libel si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. laban kay Atty. Levito Baligod, 18 umano’y dating Marines at radio station DWSI 864 dahil sa alegasyong tumanggap siya ng maletang puno ng pera mula sa pondo ng gobyerno.
Ayon kay Abante, walang batayan at mapanirang-puri ang mga paratang na lumabas sa isang “Pinagsamang sinumpaang salaysay” at sa press conference noong Pebrero 24, 2026.
Mariing itinanggi ni Abante ang alegasyong isa siya sa mga tumanggap ng cash-filled luggage na umano’y bahagi ng P805 bilyong pampublikong pondo.
Iginiit ng mambabatas na walang sapat na ebidensya ang mga akusasyon at kulang ang mga ito sa tiyak na detalye tulad ng petsa, lugar, at iba pang pangyayari. Aniya, sa halip na dumaan sa tamang proseso, isinapubliko umano ng mga respondent ang kanilang mga alegasyon.
Hinihiling ni Abante sa mga piskal na sampahan ng kaukulang kaso ang mga respondent at magsagawa ng karagdagang aksyon batay sa ebidensyang maisusumite.




