
Nagsampa ng reklamong libelo at cyberlibelo si Manila 6th District Rep. Benny Abante laban sa 18 umano’y bagmen ng dating kongresista na si Zaldy Co, kanilang abogado na si Atty. Levi Baligod, at Sonshine Radio kaugnay ng mga alegasyong tumanggap umano siya ng perang mula sa mga contractor ng gobyerno.
Ayon kay Rep. Abante, walang katotohanan at walang sapat na batayan ang mga paratang na siya ay tumanggap ng mga maletang may lamang pera. Iginiit din niya na ang affidavit na inilabas sa publiko ay hindi pa pirmado at hindi pa notaryado nang ito ay unang ibinahagi.
Binatikos din ng mambabatas ang mga respondent dahil umano sa paglalantad ng mga alegasyon sa publiko sa halip na idaan sa tamang legal na proseso. Aniya, dapat sana ay isinampa muna ang mga reklamo sa tamang ahensya o hukuman.
Sinabi rin ni Rep. Abante na hindi niya personal na kilala o nakaharap ang alinman sa 18 indibidwal. Dagdag pa niya, wala umanong malinaw na detalye ang mga alegasyon tulad ng eksaktong petsa, lugar, at paraan ng umano’y pag-abot ng pera.
Samantala, nanindigan si Atty. Baligod na nagsasabi ng totoo ang kanyang mga kliyente, bagama’t inamin niyang nagkamali ang mga ito sa pagbanggit kay Sen. Loren Legarda bilang isa sa mga umano’y tumanggap ng maleta na may lamang pera.




