Naniniwala si Akbayan Rep. Chel Diokno na hindi pa kailangan buksan sa ngayon ang tinatawag na green box ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa kasalukuyang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Diokno, hindi pa ito kritikal sa yugtong hinahanap pa lamang ng House Committee on Justice ang probable cause, at maaari lamang itong magamit para kuwestiyunin ang proseso sa korte.

Sinabi niya na sapat na sa ngayon ang mga dokumentong mula sa Anti-Money Laundering Council at ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN para pagbatayan ng imbestigasyon.

Ang green box ay naglalaman ng tax records nina Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

Sa naunang pagdinig noong Abril 22, napagkasunduan ng House Committee on Justice na huwag muna itong buksan habang nasa unang bahagi pa ng proseso ang impeachment complaint.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Diokno, maaari pa rin itong ilabas sa mga susunod na yugto ng pagdinig kung kinakailangan.