
Inaprubahan ng House of Representatives ang karagdagang 60-araw na suspensyon na walang sahod at allowances laban kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Sa botong 238-10-9, sinang-ayunan ng plenaryo ang rekomendasyon ng House ethics panel dahil sa umano’y patuloy na paglabag ni Barzaga sa pamantayan ng Kamara habang siya ay nasa ilalim ng naunang suspensyon.
Batay sa ethics committee, ang mga kontrobersyal na social media post at pahayag ni Barzaga laban sa kapwa mambabatas at pribadong indibidwal ay nakasira sa dangal at integridad ng institusyon.
Binigyang-babala rin ang mambabatas na ang anumang pag-uulit ng misconduct ay maaaring humantong sa mas mabigat na parusa, kabilang ang posibleng pagpapatalsik.
Tinuligsa naman ni Barzaga ang desisyon, iginiit na ito ay distraction lamang mula sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects at tinawag na one-sided ang proseso ng ethics panel.










