Mariing itinanggi ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano ang alegasyon ni Davao City Rep. Paolo Duterte na umano’y nasuhulan o tinakot ang mga kongresistang bumoto pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Valeriano, kung may basehan ang paratang, nararapat lamang na maglabas ng malinaw na ebidensya si Rep. Duterte upang patunayan ang kanyang mga pahayag.

Iginiit din nito na nakapagtataka na si rep. Duterte lamang ang lantad na nagsasalita sa isyu, gayong may iba pang mambabatas na kaalyado ng kanilang kampo na kabilang sa mga tumanggap ng mga proyekto.

Dagdag pa niya, bilang kapatid ng bise presidente, hindi maiaalis ang pananaw na ang mga pahayag ni Duterte ay bahagi ng pagtatanggol sa sariling pamilya.

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Valeriano na ang boto ng mga kongresista ay nakabatay sa ebidensya at sa kanilang tungkuling panagutin ang sinumang opisyal na lumalabag sa batas.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang mga proyektong ipinatutupad ay hindi gantimpala, kundi obligasyon ng pamahalaan batay sa pangangailangan ng bawat distrito.