Sumakabilang-buhay na si Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop matapos umanong matagpuang walang malay sa kaniyang silid, at saka isinugod sa Assumption Hospital, Sabado ng gabi, Disyembre 20, kung saan siya idineklarang patay na.

Kinumpirma ni Antipolo City 1st district Rep. at House Deputy Speaker Ronaldo Puno, at chairman ng National Unity Party (NUP), ang pagkamatay ni Acop, na isa sa mga itinuturing nilang haligi sa partido, batay sa ipinadalang mensahe sa reporters nitong Linggo, Disyembre 21.

Ibinahagi ni Puno na sumailalim si Acop sa matagumpay na kidney transplant noong Nobyembre 28 at maayos ang takbo ng kaniyang paggaling.

Gayunman, batay sa mga ulat, bandang 10:12 ng Sabado ng gabi, Disyembre 20, nang matagpuan umano si Acop na nakahandusay sa sahig ng kaniyang bunsong anak na si Dr. Karla Marie Acop at ng kaniyang security aide na si Pat Frank Louie Pastrana, matapos mag-doorbell ang nurse ng mambabatas mula sa silid nito.

Isinugod siya sa nabanggit na ospital subalit umano’y idineklarang patay na dakong 10:56 ng gabi.

-- ADVERTISEMENT --

Inilalarawan si Acop bilang tahimik ngunit tapat na kasapi ng NUP, na itinuturing na ikalawang pinakamalaking partido sa House of Representatives.

Sa mahabang panahon ng kaniyang panunungkulan, naging matatag siyang boses sa mga usaping pambatas at disiplinado sa trabaho.

Sa nakaraang 19th Congress, naging sentro ng atensyon si Acop bilang pinuno ng quad-committee, isang pinagsamang lupon na nagsagawa ng sunod-sunod na pagdinig sa mahahalagang isyu.

Sa kasalukuyang 20th Congress, iilan na lamang ang natira sa orihinal na pamunuan ng quad-committee. Kabilang dito si Acop at si Bienvenido Abante, na kapwa kinilala sa kanilang karanasan at pamumuno.