Pangunahing tinugunan ni Mayor Miguel Decena, Jr sa kanyang unang isang-daang araw na panunungkulan sa bayan ng Enrile ang pagsasa-ayos sa isyu ng employment status ng mga empleyado sa munisipiyo.

Sa kanyang unang State of Municipality Address (SOMA), inilahad ni Decena na higit 20 empleyado lamang ang may permanenteng posisyon sa gobyerno habang ang karamihan ay matagal na sa serbisyo subalit nananatiling job-order o contractual ang kanyang natugunan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Civil Service Commission (CSC).

Bukod pa umano ito sa paglilinis sa nabistong ‘ghost employees’ ng nakaraang administrasyon na sumasahod sa LGU at inaagawan ang mga lehitimong empleyado.

Kasabay nito, tiniyak ni Decena na hindi ito mangyayari sa kanyang panunungkulan at sinigurong sa munisipyo nagtatrabaho ang mga kawani at hindi sa negosyo ng mga tiwaling opisyal.

Kabilang sa mga iniulat sa bayan ni Decena ang mga prayoridad na programa ng kanyang administrasyon partikular sa larangan ng pang-imprastraktura, pananalapi, kabuhayan, kalusugan, edukasyon, katahimikan at kapayapaan at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Bahagi aniya sa ginagawa nitong reporma sa tinaguriang “peanut capital of the Philippines” ang pagsuporta sa mga magsasaka ng mani tulad ng libreng paggamit ng tractor at iba pa.

Mayroon na rin aniyang mga nakalinyang plano at pondo para sa problema sa demand at supply ng malinis na tubig sa lugar at ang planong iorganisa ang mga Overseas Filipino Workers upang mapadali ang pagbibigay ng tulong sa mga may problema, kasama na ang kanilang pamilya.

At bilang bahagi ng kanyang inisyatibo kontra katiwalian sa gobyerno, pinayuhan ni Mayor Decena ang bawat empleyado na maging magiliw at maayos na pagsilbihan ang mga kliyente.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Expedito Taguibao sa suporta ng konseho sa kanyang mga programa na magpapabilis sa pag-angat sa estado ng kanilang bayan.